Ang Alamat ng Daigdig

 Ang mga Alamat tungkol sa pinagmulan ng daigdig ay marami.  Maaaring ito ay nagmula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.  Gayon pa man, ang lahat ng ito ay kabilang sa unang panahon ng kasaysayan ng ating lahi.


Noong unang panahon mayroon lamang langit at dagat.  Ang bathala ng langit ay si Kaptan.  Ang bathala ng dagat ay si Magwayen.  May anak si Kaptan.  Ang pangalan ay Lihangin.  May anak si Magwayen.  Ang pangalan ay Lidagat.  Ipinakasal nila ang kanilang mga anak.  Nagkaanak ang mag-asawa ng apat na lalaki.  Ang mga pangalan ay Likalibutan, Ladlaw, Libulan at Lisuga.


Nang lumaki ang mga bata hinangad ni Likabutan na maging hari ng sansinukob.  Nahikayat niya si Ladlaw at Libulan na salakayin ang langit.  Pinilit nilang buksan ang pinto ng langit.


Galit na galit si Kaptan nang malaman ang ginawa ng tatlo.  Pinaalpasan niya ang mga kulog at ihinampas ito sa magkakapatid.  Naging bilog na parang bola sina Libulan at Ladlaw.  Ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurog-durog at kumalat sa karagatan.


Dumating si Lisuga at hinanap ang kanyang mga kapatid.  Nagpunta siya sa langit.  Galit pa rin si Kaptan kaya pati si Lisuga ay hinambalos din niya ng kulog.  Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagapak sa ibabaw ng mga pira-pirasong katawan ni Likalibutan.


Lumipas ang panahon pati na rin ang galit ni Kaptan.  Kaya binuhay niya ulit ang mga pinarusahan.  Si Ladlaw ay ginawang Adlaw (araw) si Libulan ay naging Bulan (buwan).  Si Likalibulan ay tinabuan ng mga halaman at naging sanlibutan.  Si Sibulan ang pinagmulan ng unang babae at lalaki na tinawag na si Lalak at si Babay.


Ang iba namang alamat ng daigdig ay sinasabing nagmula sa mga nandayuhang Indonesyo.


Noong unang panahon ay wala kundi langit, dagat at isang ibong lipad ng lipad sa pagitan ng langit at dagat.  Sa katagalan ay napagod ang ibon ngunit wala siyang madapuan upang makapagpahinga.


Naisipan ng ibon na pag-awayin ang langit at ibon.  At natupad nga ang kanyang plano.  Nagalit ang langit at naglaglag ito ng maraming bato sa dagat.  Sa mga batong ito dumapo ang ibon.  Sa katagalan ang mga bato ay tinubuan ng mga puno at halaman.


Isang araw habang lumilipad ang ibon, napansin niya ang kapirasong kawayan na lulutang-lutang sa tubig.  Tinuka nang tinuka hanggang sa mabiyak.  At sa isang bahagi ay lumitaw ang unang babae na ang ngalan ay si Babay at sa kabila ay ang unang lalaki na ang pangalan ay si Lalaki.


Comments

Popular posts from this blog

Mga Uri ng Aswang,

Mitolohiya

Diwata